Pamahalaan, naghahanap na ng paraan upang kilalanin sa ibang mga bansa ang vaccination card ng Pilipinas

Umapela ang Malakanyang sa World Health Organization (WHO) na pangunahan ang inisyatibo na magkaroon ng pantay-pantay na pagkilala sa mga vaccination card ng iba’t ibang bansa sa mundo.

Kasunod ito ng ginawang pagbalewala ng HongKong government sa vaccination card na ipinipresinta ng ating mga Overseas Filipino Worker (OFW).

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa international community para sa nasabing usapin.


Nakakalungkot aniya ang pangyayaring ito kaya naghahanap na ngayon ng paraan ang pamahalaan para magkaroon ng basehan na kilalanin ang ating vaccination cards.

Isa sa nakikitang paraan dito ng kalihim ay dalhin ang vaccination cards sa Bureau of Quarantine para maisyuhan sila ng yellow book kung saan nire-record ang vaccination status ng isang indibidwal.

Kasunod nito, nakikipag-ugnayan na rin ang pribadong sektor tulad ng International Air Transport Association sa mga airline company para gumawa ng paraan at matugunan ang naturang problema.

Nabatid na ang vaccination card ay isa lamang sa mga requirements na hinahanap ngayon ng iba’t ibang bansa mula sa mga dayuhan o biyahero na pumapasok sa kanilang bayan.

Facebook Comments