Handa ang tropa ng pamahalaaan sa anumang posibleng mangyari o gawin ng mga komunistang grupo, sa gitna nang ipinatupad na cease fire ni Pangulong Rodrigo Duterte sa New People’s Army.
Matatandaan na una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ginagamit ng mga komunista ang tigil putukan sa pagre- recruit at pagpapalakas ng kanilang pwersa.
Nangangamba rin ang mga otoridad na maaaring gamitin ng mga komunsita ang pagkakataon upang magpalaganap ng gulo kasabay na na rin ng kanilang anibersaryo sa December 26.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nakarating naman kay Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng concern na ito, bago ibinaba ng pangulo ang utos na cease fire.
Gayunpaman, pinili ng pangulo na ipakita ang sinseridad ng pamahalaan sa muling magbubukas ng usapang pangkapayapaan at bilang bahagi na rin ng confidence-building measures.
Binigyang diin ni Secretary Panelo na batid ng pamahalaan ang mga banta laban sa estado at handa ang gobyerno sa mga ito.