
Walang dapat ipag-alala ang publiko sa posibleng pagsalakay sa Taiwan sa gitna ginagawang pagsasanay militar ng China sa paligid ng Taipei.
Kasunod ito ng pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa mga sundalo na paghandaan ang paglikas ng nasa 250,000 na Pilipino sa Taiwan sakaling magkaroon ng pagsalakay sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, tama lamang na bigyan ng paalala ni Brawner ang mga sundalo at maging ang publiko.
Nararapat lang din aniya na maging handa ang pamahalaan sa lahat ng mga contingencies patungkol sa nasabing usapin.
Samantala, ipinauubaya na ng Palasyo sa Department of National Defense (DND) at AFP ang iba pang mga detalye kaugnay sa mga contingencies na ipatutupad lalo na ang posibleng repatriation ng mga Filipino na nasa Taiwan.
Paalala naman ni Castro sa mga Pilipinong nasa Taiwan, na maging mahinanon dahil nakahanda ang gobyerno na tumulong anumang oras sakaling mangyari ang pinangangambahang pananakop.