Nanawagan ang pamahalaan ng bagong polisiya para i-regulate ang Facebook kasunod ng pagse-censor nito sa pro-government pages online.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi lamang ang Pilipinas ang nananawagan ng reporma sa Facebook pero maging ang co-Founder nito na si Mark Zuckerberg ay aminadong kailangan ng regulation para sa social media.
“Ang pinagsimulan po ng Facebook, kinakailangang ikonek nga iyong mga kaibigan at mga kamag-anak pero ngayon po nagagamit na talaga siya sa pulitika,” ani Roque.
“So, nagbabago iyong anyo ng Facebook. Kinakailangan din magkaroon po tayo ng mga bagong mga patakaran ‘no para naman po magkaroon ng level playing field diyan po sa Facebook,” dagdag ni Roque.
Iginiit din ni Roque na naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte sa freedom of speech at hindi niya kukunsintehin ang ginawang ‘censorship’ sa pro-government advocacies.
Hinimok din ni Roque ang mga grupong nasa likod ng mga pages na ipinasara ng Facebook na i-akyat ito sa korte.
Nabatid na kinastigo ni Pangulong Duterte ang Facebook dahil sa pagtatanggal ng ilang accounts na sumusunod sa pamahalaan kabilang ang paglaban sa communist insurgency.