Pamahalaan, nilinaw na wala silang binobomba at hindi nila binomba ang mga mosque sa Marawi City

Manila, Philippines – Binigyang diin ng pamahalaan na wala silang binobomba at hindi nila binomba ang mga mosque sa Marawi City kahit pa pinagtataguan ito ng mga miyembro ng teroristang Maute.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesman B/Gen. Restituto Padilla, ito ang nilinaw ni Chief of Staff General Eduardo Año sa harap ng lumalabas na balitang binobomba umano ng AFP ang mga mosque habang pinaghahabol ang mga terorista.

Aniya – walang balak ang AFP na gawin ito at ang ginagawa nila ay maghanap ng ibang paraan para matapos ang problema sa Marawi.


Sinabi naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, iginagalang ng pamahalaan ang mga mosque dahil batid nila na sagrado ito sa mga kapatid nating Muslim.

Sa ngayon, maliban sa mga human shield, patuloy na ginagamit ng mga terorista ang mga mosque para pagtaguan at pwestuhan ng kanilang sniper, kaya naman nahihirapan ang mga militar na pasukin ang ilang lugar sa Marawi.
DZXL558

Facebook Comments