Nananatili sa target ang pamahalaan sa pagkuha ng nasa 170 million doses ng COVID-19 vaccines kasunod ng mga commitments na nakuha mula sa iba’t ibang suppliers.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pamahalaan ay nakagawa ng sapat na vaccine order para mabakunahan ang nasa 70 milyong Pilipino ngayong taon.
Ang bulto ng mga vaccine supplies ay mula sa COVAX facility, na nasa 44 million doses.
Ang iba pang vaccine sources ay Sinovac, Gamaleya, Novavax, AstraZeneca, Moderna, Pfizer at Johnson & Johnson.
Tinatayang nasa 5.6 million hanggang 9 million AstraZeneca at Pfizer doses ang darating sa first half ng taon habang ang natitirang supplies ay darating sa katapusan ng taon.
Aminado si Roque na naantala ang delivery ng mga bakuna pero umaasa sila na ang initial supply ng 117,000 Pfizer vaccines ay darating ngayong buwan.
Bukod sa mga bakuna sa ilalim ng COVAX facility, ang pamahalaan ay makakukuha ng 25 million vaccines ng Sinovac, kung saan ang initial supply ay darating ngayong buwan.
Nasa 10 hanggang 15 milyong bakuna mula sa Gamaleya ng Russia ang darating sa bansa sa Abril.
Aabot naman sa 30 million doses ng bakuna mula sa Novavax ang darating sa Mayo.
May karagdagang 17 million doses ng bakuna ng AstraZeneca ang darating sa bansa sa Mayo.
Ang 20 million doses ng Moderna ng Estados Unidos ay makakarating sa bansa sa Hulyo
Nakikipagnegosasyon ang pamahalaan para sa supply ng 15 million ng Pfizer vaccines.
Umaasa ang pamahalaan na darating ang mga supply sa Agosto ngayong taon.
Mayroong 5 million single-shot vaccines mula sa Johnson & Johnson ang nasa ilalim pa ng negosasyon, na inaasahang darating sa bansa sa Oktubre.