Pamahalaan, pag-aaralan kung tatanggalin ang state of emergency sa susunod na tatlong buwan ayon sa isang eksperto

Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) kung napapanahon nang tanggalin ang state of emergency dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert na inaasahang sa susunod na dalawa hanggang tatlong buwan ay magsasagawa ng pagtaya ang mga kinauukulan kung kailangan nang tanggalin ang pandemic response.

Pero, para kay Solante kailangang tingnan muna muli ang lagay ng mga kaso sa susunod na dalawa hanggang tatlong buwan dahil wala namang makapag-predict kung ano ang mangyayari sa susunod na mga panahong nabanggit.


Binigyang diin ni Solante na dapat alalahanin ng publiko na paparating ang mga okasyon na inaasahang dagsa ang mga tao tulad ng Undas sa susunod na buwan at panahon ng Pasko sa Disyembre kung kailan halos lahat ng tao ay may kani-kaniyang mga pagtitipon at madalas ang mga lakad.

Sa kabila nito, naniniwala naman si Solante na kung ikukumpara sa mga nagdaang mga buwan o taon kung kailan delta variant ang naging aktibo, ang omicron subvariant ngayon o ang BA.5 ay nagdudulot lamang naman ng mild infection, na maaaring maging daan para pwedeng ibaba ang antas ng pagtugon sa pandemya o ang pagtatanggal na ng state of emergency.

Sa ngayon, sinabi ni Solante na makabubuti pa ring pakiramdaman ang sitwasyon sa mga susunod na buwan bago magdesisyon ang gobyerno kaugnay dito.

Facebook Comments