Iginiit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na marami pang kinakailangang gawin para tuluyang matapos ang armadong pakikibaka sa bansa.
Ito ay sa harap ng inaasahang pagdiriwang bukas ng ika-53 anibersaryo ng New People’s Army.
Sabi ni Lorenzana, hindi sila titigil sa paghikayat ng mga miyembro ng CPP-NPA na sumuko na sa pamahalaan at makinabang sa mga programang inilatag ng gobyerno kagaya ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Kasunod nito, umaasa rin ang kalihim na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang mga nasimulang inisyatibong pangkapayapaan ng kasalukuyang pamahalaan.
Ayon pa kay Lorenzana, libu-libong mga rebelde na ang nagbalik loob sa gobyerno at nakatanggap ng tulong para maging produktibong miyembro ng lipunan kapalit ng kanilang pagsuko ng mga armas.