Magdaragdag pa ng kadiwa stores ang Department of Agriculture (DA) sa iba pang mga bahagi ng bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Assistant Secretary Kristine Evangelista na bukod sa binuksang Kadiwa stores sa 11 lugar sa National Capital Region (NCR) at tatlong iba pa sa iba’t ibang probinsiya, palalawakin pa nila ito.
Mayroon na rin aniya silang Diskwentro Kadiwa, Payday Kadiwa, Kadiwa on Wheels at mayroon ding Kadiwa tuwing Biyernes, Sabado at Linggo at may Kadiwa rin sa mga simbahan na bukas kada Linggo.
Maging sa isang kooperatiba sa Taguig City habang tatlo naman sa bahagi ng Quezon city na bukas araw-araw.
Ayon kay Evangelista, layunin nitong matulungan ang maraming Pilipino na magkaroon ng access sa murang mga produktong pang-agrikultura.
Kasama aniya sa patuloy na mabibili sa mga Kadiwa ng Pasko ay ang ₱25 kada kilo na bigas at lalagyan na rin ng suplay nito sa iba pang lugar ng Kadiwa stores.
Malaking tulong din aniya ito hindi lamang sa mga consumer kundi maging sa mismong mga magsasaka na binibigyan ng pagkakataon at lugar para maibenta ang kanilang produkto nang direkta sa mamimili nang hindi sila malulugi.