Monday, February 16, 2026

Pamahalaan, pinadali ang pagbenta ng sobrang solar power sa grid

COURTESY: RTVMalacañang

Mas pinasimple at pinabilis na ng pamahalaan ang paglahok sa Net-Metering program para mas maraming Pilipino ang makagamit ng solar energy at makatipid sa kuryente.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dumarami ang mga bahay at negosyo na nag-iinstall ng solar panels.

Pero noon aniya, mahirap ibenta pabalik sa grid ang sobrang kuryente dahil sa mabagal at magulong proseso sa ilang lugar.

Sa ilalim ng programa, puwedeng maglagay ng solar panels ang mga kabahayan at negosyo at ibenta ang sobrang kuryente sa power grid. Ibig sabihin, mas mababa ang bayarin at nakakadagdag pa sa suplay ng kuryente.

Upang ayusin ito, nilagdaan ng Department of Energy, Department of the Interior and Local Government at Department of Public Works and Highways ang isang Joint Memorandum Circular na nag-uutos sa mga lokal na pamahalaan na gumamit ng iisang application form at sundin ang takdang oras ng pagproseso kapag kumpleto ang requirements.

Inatasan din ng Energy Regulatory Commission ang mga distribution utilities na tapusin ang interconnection sa loob ng 20 working days mula sa pagtanggap ng kumpletong aplikasyon.

Layunin ng pamahalaan na gawing mas madali ang paggamit ng solar energy, mapababa ang bayarin sa kuryente, at palakasin ang paggamit ng mas malinis na enerhiya sa bansa.

Facebook Comments