Pamahalaan, pinag-aaralan ang pagtanggap ng mga turista mula sa mga bansang mayroong low hanggang medium COVID-19 transmission

Ikinokonsidera ng pamahalaan na luwagan ang restrictions sa mga biyaherong manggagaling sa mga bansang may low hanggang medium COVID-19 transmission.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, pinag-aaralan nila ang opsyon na ito bilang suklian ang mga bansang tumatanggap na ng Pilipino.

“Kung sila ay tumatanggap ng mga Pinoy at Pinay, baka kung low transmission din naman po sila, baka tayo rin po ay papayag na tumanggap ng mula rin sa bansa nila as reciprocity,” ani Nograles.


Sinabi ni Nograles, naghanda ang DOH ng guidelines sakaling buksan na ng Pilipinas ang borders nito para sa international tourists.

Sa ilalim ng guidelines, ang mga international tourist na magmumula sa mga bansang may mababang transmission ng COVID-19 ay papayagang pumasok sa Pilpinas pero dadaan sila sa screening para sa mga anumang sintomas.

Ire-require sa kanila ang testing depende sa tindi ng COVID-19 sa kanilang bansa.

Ang mga asymptomatic individuals ay papayagang bumiyahe basta tatalima sila sa minimum public health standards at symptoms monitoring.

Ang mga foreign tourist na magpapakita ng COVID-19 symptoms ay agad i-a-isolate at ite-test gamit ang RT-PCR.

Magkakaroon din ng contact tracing para matunton ang mga nakasalamuha nito.

“Ipaalala ko lamang na ginawa lang ng DOH ‘yang guidelines na ‘yan in preparation for the eventuality na magbubukas po tayo sa mga countries na low at medium transmission. Wala pa po tayo sa point na ‘yan, pinangunahan lang ng DOH para preparado na medyo ang protocols ng DOH,” sabi ni Nograles.

Nabatid na pinapayagan na ng pamahalaan ang non-essential foreign travel sa mga Pilipino alinsunod sa mga requirements na itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) tulad ng round trip tickets, health at travel insurance at negatibong antigen result.

Facebook Comments