Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibilidad na magtalaga ng sarili nitong fact-checkers sa social media.
Ito ang pahayag ng Malacañang matapos ipasara ng Facebook ang ilang pro-administration pages.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi nila papayagan na ang dalawang authorized fact-checkers ay mga media entities na mayroong bias laban sa administrasyon.
Kinuwestyon ni Roque kung bakit pinili ng Facebook ang Rappler at Vera Files bilang mga partner sa pagtukoy ng mga fake news.
“Iba’t ibang mga bansa ngayon nagsisimula na ng proseso na gobyerno na ang kumukuha ng mga fact checkers. Sinimulan na po yan sa Europa at pag-aaralan natin kung dapat gawin na natin yan. dahil hindi naman tayo makakapayag na ang fact-checkers ay tanging mga laban laming sa gobyerno,” ayon kay Roque.
“Bakit sila lamang ang kinuhang fact-checkers ng Facebook. Hello? Kung hindi ka kumbinsado na tutol sila sa gobyerno baka ikaw ay taga-ibang planeta ‘no,” he said,” dagdag ni Roque.
Bago ito, kinastigo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Facebook dahil sa pagbura sa ilang advocacy pages na sumusuporta sa kanyang administrasyon.
Nabatid na nakipag-partner ang Facebook sa Rappler at Vera Files nitong 2018 para ilunsad ang fact-checking program para masawata ang pagpapakalat ng fake news.