Pamahalaan, pinag-i-import na rin ng imported na karneng baboy

Hinimok ni Marikina Representative Stella Quimbo ang pamahalaan na mag-angkat na rin ng karne ng baboy kasunod ng pagbaba ng taripa para sa imported pork.

Ang panawagan ng kongresista ay bunsod na rin ng Executive Order 128 ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan itinataas ang Minimum Access Volume (MAV) sa imported na karne ng baboy kasabay ng pagtapyas sa taripa nito.

Ayon kay Quimbo, para maging epektibo ang pagbaba ng taripa sa pagbaba ng presyo ng karne sa mga palengke, ay dapat na payagan mismo ang gobyerno na mag-import ng baboy.


Paliwanag ng kongresista, kung papayagan ang pamahalaan na mag-angkat ng baboy sa ilalim ng binawasang taripa, tiyak aniyang magkakaroon ng kompetisyon ang mga importer at mapipilitan na magbaba ng presyo.

Pinangangambahan kasi ni Quimbo na maaaring ibenta ng mga importers sa merkado ang mga karneng baboy sa mataas pa ring halaga kahit ibinaba na ang taripa rito lalo na kung nasasangkot ang mga ito sa anti-competitive practices tulad ng price fixing.

Giit ni Quimbo, kailangang kumilos na ang gobyerno na mag-import ng sariling baboy dahil ito lamang ang makapagbibigay ng kompetisyon sa mga importer habang hinihintay ang Philippine Competition Commission na umaksyon sa isyu.

Dagdag pa rito ay umaapela rin si Quimbo na bigyan ng cash assistance ang mga domestic hog raiser na apektado ng African Swine Fever (ASF) para tulungan ang mga ito sa pagpaparami ng mga baboy at para makasabay sa imported pork meat.

Facebook Comments