Pinaglalatag ng Kamara ang pamahalaan ng “mitigating measures” o mga hakbang para makontrol ang posibleng pagtaas sa presyo ng tinapay.
Mula nang sumiklab ang Russia-Ukraine conflict, nadagdagan ng P0.40 ang presyo ng tinapay bunsod ng epekto ng pagtaas sa presyo ng langis na nasa 110 USD habang ang trigo naman ay tunaas sa 100 dollars sa kada tonelada.
Ang Russia at Ukraine ay kabilang sa mga bansang pinakamalaking pinagkukunan ng trigo.
Ibinabala ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na kapag nagtuloy-tuloy pa ang pananakop ng Russia sa Ukraine ay posibleng pumalo sa P2.3 ang dagdag sa presyo ng average na ‘Pinoy Tasty’.
Sa susunod na linggo naman ay maaaring asahan ang P1.9 na taas sa kada loaf bread sa oras na maubos na ang imbak na trigo at magsimulang tumaas ang presyo ng milling imports.
Iginiit ni Salceda na nakakaapekto na ng husto sa presyo ng pagkain ang pagtaas ng presyo ng langis at sa pagtaas pa ng wheat prices ay hindi malabong maging malaking problema ang kagutuman sa bansa.
Inirekomenda ng mambabatas na maglatag na ng “mitigating measures” kung saan dapat ng simulan ng bansa ang pag-secure ng orders ng trigo mula sa mga alternatibong mapagkukunan tulad ng Canada at Estados Unidos.