Hinimok ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pamahalaan na maglatag ng pangmatagalang solusyon para makalikha ng trabaho at matugunan ang mataas na poverty incidence ng bansa.
Ginawa ng senador ang mungkahi kasunod ng inilabas na report ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan naitala na sa 2021, 18.1% ang poverty incidence sa bansa o katumbas ito ng 19.99 million na mga Pilipinong ikinukunsidera ang mga sarili na mahirap.
Maliban dito, naitala rin ng PSA ang 7.8% unemployment rate sa 2021 o katumbas ng 3.71 million na mga Pilipinong walang trabaho.
Hirit ni Villanueva na dapat tiyakin ng gobyerno ang dekalidad na job opportunities para sa lahat ng mga Pilipino upang sa gayon ay may pagkakataon ang mga mamamayan na makawala mula sa estado ng kahirapan.
Malaki aniya ang pangangailangan para sa matatag na trabaho na may maayos na kita na sasapat para mapakain at maibigay ang mga pangangailangan ng isang pamilya.
Nauna nang naihain ni Villanueva ang Senate Bill 129 o ang ‘Trabaho Para sa Lahat Act’ na magpapalawak sa plano ng pamahalaan tungkol sa pagbibigay ng trabaho at pagtugon sa mataas na unemployment sa bansa.