Hinimok ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang administrasyong Marcos na humanap ng ibang ‘financing resources’ para sa ‘railway infrastructures’ ng bansa.
Ito’y matapos na kumpirmahin ng China na hindi na nito pahihiramin ang Pilipinas para magawa ang tatlong ‘big railway project’ na plano ng dating Duterte administration.
Inirekomenda ni Rodriguez kay Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., na humanap ng ibang paraan para matustusan at maituloy ang proyekto.
Ilan aniya sa mga ‘options’ o pagpipilian para sa financing options ng railway projects ay ang multilateral institutions tulad ng World Bank at Asian Development Bank, international assistance agencies gaya ng US AID, JICA, Korean agency at EU Fund, gayundin ang local banking at business community at kahit ang taunang pambansang budget.
Ipinunto pa ng kongresista na ang problema sa pag-utang sa China ay magkakaroon pa ng koneksyon kung saan posibleng maisakripisyo ang ating buong karapatan sa soberanya sa West Philippine Sea.
Ikinalungkot naman ni Rodriguez ang naudlot na pagkakataon sa Mindanao para sa kauna-unahang railway system sa rehiyon.