Hinikayat ni Majority Leader Martin Romualdez ang Department of Health (DOH) at mga eksperto sa bansa na agapan ang isinusulong na pag-alis sa patent protection para sa COVID-19 vaccines.
Suportado kasi ng kongresista ang hakbang ng gobyerno ng Estados Unidos na itulak ang pagtanggal ng patent para sa bakuna ngayong pandemya.
Paliwanag ni Romualdez, ang anumang aksyon na magpapabilis sa paggawa, produksyon at distribusyon ng COVID-19 vaccines saan mang panig ng mundo ay titiyak sa kaligtasan ng mga tao.
Kaya naman dapat aniya maging maagap ang Pilipinas na lumahok sa negosasyon ng mga vaccine manufacturers partikular kung paano makakapag-avail nito sakaling matuloy ang suspensiyon ng intellectual property protections.
Una nang nanawagan ang India at South Africa na pansamantalang alisin ang intellectual property protections sa COVID-19 vaccines sa paniniwalang makatutulong ito para mapalakas ang produksyon sa developing countries na kakaunti pa lang ang natatanggap na bakuna.