Pamahalaan, pinakikilos sa tumataas na kaso ng tuberculosis sa bansa

Umapela si Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go na sabayan ng intervention ng pamahalaan ang tumataas na kaso ng tuberculosis o TB sa bansa.

Kasunod na rin ito ng pagkabahala ng senador sa pagtaas ng kaso ng naturang sakit kung saan batay sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH), naitala noong December 2023 ang 612,534 na bagong TB cases sa bansa o katumbas ng dagdag na 549 na kaso sa kada 100,000 populasyon na higit na mas mataas kumpara noong 2022.

Ayon kay Go, kung tutuusin ay nagagamot naman ang TB kapag naagapan at sinabayan ng tamang gamutan.


Tinukoy ng mambabatas ang dagdag na budget para sa TB program kung saan mula sa P1.97 billion noong 2023 ay itinaas pa ito sa P2.56 billion ngayong 2024.

Hinimok din ni Go ang pamahalaan na ipatupad nang husto ang Republic Act No. 10767 o ang Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act na siyang nakatutok sa gamutan at pagkontrol sa sakit na TB.

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan na paigtingin ang review at monitoring system sa pagkuha ng datos at pagbabantay sa progress ng pagpapababa ng kaso ng sakit sa bansa.

Facebook Comments