Tigilan na ang drama!
Ito ang iginiit ni Assistant Minority Leader at ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro matapos na lumabas ang Commission on Audit (COA) report sa ilang mga ahensya ng gobyerno partikular sa Department of Health (DOH) na nagpapakita umano ng bahid ng korapsyon at anomalya.
Naniniwala si Castro na gumagawa na lamang ng dahilan ang Duterte administration sa pahayag nito laban sa COA na tigilan ang “flagging” sa mga government transaction at ang paglalabas ng report sa publiko.
Halata rin aniya na ayaw lamang mahalungkat ng pamahalaan ang mga kapalpakan kaya kahit ang isang komisyon na may sariling mandato ay gustong mapasunod sa gobyerno.
Iginiit naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat na hindi naman dapat pairalin ni Health Secretary Francisco Duque III ang emosyon para maipaliwanag ang deficiency ng DOH sa COVID-19 response na aabot ng P67.32 billion.
Sa katunayan aniya, mas warak pa nga ang taumbayan dahil na rin sa kapalpakan ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemya.
Paalala naman ni Castro, ang COA ay isang constitutional body na hindi basta-basta mapapatigil sa pag-audit sa mga ahensya ng gobyerno dahil lamang sa hindi ito gusto ng pangulo o kaya naman ay dahil nakakaramdam na ng pagkawarak ang isang kalihim kaugnay sa mga obserbasyon at natuklasan ng komisyon.