Pamahalaan, planong magtakda ng deadline para makapagpa-booster shot ang publiko

Magpapatupad ng mga hakbang ang pamahalaan upang mabawasan ang mobility ng mga indibidwal na hindi pa nakakatanggap ng booster shot.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion na nagkausap na sila ni Health Sec. Francisco Duque III kung saan lilimitahan ang kilos o mobility ng mga hindi pa boosted.

Ani Concepcion, maaaring hindi na mapayagan na makakain sa mga restaurant o makapasok sa enclosed establishments ang mga hindi pa natuturukan ng booster dose.


Pero paliwanag nito, hindi naman agad-agad ito ipatutupad ng pamahalaan bagkus bibigyan ng sapat na panahon ang publiko pero magtatakda rin ng deadline ang gobyerno.

Nabatid na sa 66.3-M mga Pilipino na fully vaccinated nasa 12.2M pa lamang ang naturukan ng booster shot.

Facebook Comments