Halos siyam na bilyong piso ang itinabi ng gobyerno para magamit sa Computerization Program ng DepEd sa susunod na taon.
Ayon kay Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, gagamitin ang walo punto siyam na bilyong piso para sa procurement ng learning cart packages.
Kabibilangan ito partikular ng pagbili ng laptop hindi lamang para sa mga pampublikong guro kundi kasama din sa bibigyan ang non-teaching personnel.
Maliban dito ay kabilang din sa ₱8.9 billion budget, ayon kay Pangandaman, ang pagbili ng ICT equipment para sa pagtataguyod ng MATATAG Center sa 2024.
Ito ay sa harap na rin ng ikakasang “Pilot Implementation ng MATATAG Curriculum” na siyang magiging revision ng K-to-10 curriculum na ikakasa sa ilang piling paaralan muna mula sa Region 1, 2, 7, 12 at Cordillera Administrative Region (CAR) habang kasama din ang National Capital Region (NCR).