
Target ng Office of the Civil Defense (OCD) na magkasa na rin ng earthquake drill sa gabi para ihanda ang publiko sa posibilidad ng lindol habang nasa kanilang mga tahanan.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni OCD Director Ariel Nepomuceno, na isa sa mga pinagbubuti ng pamahalaan ang National Simultaneous Earthquake Drill para sa posibleng pagtama ng The Big One na maaaring idulot ng paggalaw ng West Valley Fault.
Pero bukod sa duck, cover, and hold, pinagtutuunan din ng pansin ng OCD ang maayos na komunikasyon at command-and-control bago, habang, at pagkatapos ng lindol.
Parte rin ng pagpapalakas nito ang pagsasagawa ng iba’t ibang senaryo upang matiyak ang pagiging epektibo ng earthquake response.
Dagdag pa ni Nepomuceno, isasama na rin ang paghahanda sa posibleng tsunami kapag may lindol.
Layunin nitong tiyakin ang kahandaan hindi lamang ng gobyerno kundi pati ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pagtugon sa anumang sakuna.