Tiniyak sa publiko ni National Task Force COVID-19 Response Chief Implementor at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na walang ni-isang pulitiko na makikisawsaw sa pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19 sa taong-bayan.
Giit ni Galvez, pangunahing layunin ng pamahalaan ay iligtas ang buhay ng mga Pilipino at ibangon ang ekonomiya ng bansa, kaya titiyakin nito na hindi ito mababahiran ng papalapit na 2022 national at local election.
Aniya, isang “immoral” ang taong gagawa ng ganitong bagay at hindi katanggap-tanggap.
Nabatid na target ng pamahalaan na iprayoridad na mabigyan ng bakuna kontra COVID-19 ang nasa 35 million Pinoy na kinabibilangan ng mga mahihirap na pamilya, matatanda at iba pang nasa vulnerable sector, healthcare workers at iba pang frontliners.
Batay sa pagtataya ng pamahalaan, magkakaroon ng anti-COVID-19 vaccine sa Pilipinas sa second quarter ng 2021.