Pamahalaan, tiwalang mababakunahan ang 70% ng mga Pilipino ngayong taon; VP Robredo, pinabibilisan sa gobyerno ang vaccination campaign

Patuloy na gumugulong ang immunization campaign ng pamahalaan habang tinutugunan ang ilang mga isyu sa rollout at sa harap ng paglobo ng mga bagong kaso.

Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., halos 90% ng higit 1 million doses ng COVID-19 vaccines ay naipadala na sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Iginiit ni Galvez na bibilis lamang ang vaccination kapag naging umandar na sa ‘full-scale’ ang inoculation drive.


Sa limitadong supply, tanging medical frontliners at healthcare workers pa lamang ang unang mabibigyan ng bakuna.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, pinabibilisan ni Vice President Leni Robredo ang takbo ng vaccination program ng pamahalaan.

Batay aniya sa mga bilang ng isinasagawang vaccine shots kada linggo ay posibleng abutin ng ilang taon bago maabot ang herd immunity.

Umaasa ang Bise Presidente na mas maraming bakuna ang darating sa bansa lalo na at patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases.

Una nang sinabi ni Senator Panfilo Lacson na posibleng sa taong 2033 pa maabot ng Pilipinas ang herd immunity.

Depensa naman ng Department of Health (DOH) na nasa early stages pa lamang ang bansa sa vaccination program.

Facebook Comments