Tuloy pa rin ang pagpapataw ng mga dagdag na buwis ng pamahalaan para sa susunod na taon.
Sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ipagpapatuloy nila ang pakipagtutulungan sa Kongreso para maisulong ang mga pangunahing reporma na mahalaga para sa mabilis na pag-unlad ng ekonomiya.
Aniya, kabilang dito ang pagpapasa sa mga natitirang tax reform packages ng nakaraang administrasyong Duterte at mga bagong tax measures sa ilalim ng kasalukuyang Marcos administration.
Ang mga itutulak na dagdag na buwis ay ang mga sumusunod:
– Package 4 o ang Passive Income and Financial Intermediary Taxation
– Excise tax sa single-use plastic
– Rationalization of mining fiscal regime
– Motor vehicle road users tax
– Excise tax para sa matatamis na inumin at junkfoods
– Buwis sa pre-mixed alcohol
– VAT sa digital service providers
Target na maaprubahan ngayong 19th Congress ang pitong panukala para sa mga nabanggit na dagdag na buwis bilang suporta sa medium-term fiscal framework.
Sinabi ni Diokno na kapag naipatupad ang mga tax measures na ito ay makakalikom ang gobyerno ng P120.5 billion na dagdag sa kita para sa taong 2024.
Pag nagtuluy-tuloy ay tataas pa aniya ang makokolektang buwis dito sa P152.2 billion sa 2025 at P183.2 billion sa 2026.
Dagdag din sa mga target na mapagtibay ng pamahalaan para sa pagpapalakas ng pananalapi ng bansa ang carbon taxation, Capital market development bill at MUP/ military and uniformed personnel pension reform bill.