Nagbabala ang Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Makati sa mga residente nito na hindi magsusuot ng face mask habang nasa labas ng bahay.
Ito’y matapos maaprubahan ng Makati City Council ang isang ordinansa na pagbibigay parusa na multa sa mga taong mahuhuling walang suot na face mask habang nasa labas ito o sa pampublikong lugar.
Nakasaad sa City Ordinance No. 2020-089 na magmumulta ng P1,000 sa first offense, P3,000 sa second offense, at P5,000 at pagkakakulong ng hanggang anim na buwan, sa ikatlo at mga susunod na paglabag.
Mandatory din ang pagsusuot ng face masks sa common areas ng condominiums, hotels, motels, apartments, apartelles at mga katulad na lugar.
Inaatasan din ang mga business, commercial at iba pang establishment, gayundin ang mga transport service na tiyaking lahat ng mga taong papasok o sasakay sa kanila ay naka-face mask.
May karapatan silang pigilan sa pagpasok o pagsakay ang sinumang walang suot na face mask.
Maaaring gamitin ang face shields, ear-loop masks, cloth masks, handkerchiefs, scarfs, indigenous, reusable o do-it-yourself masks.