Pamahalaang lokal ng Makati, may bagong dine-in guidelines na ipatutupad sa panahon ng krisis

Nilagdaan na kahapon ni Makati Mayor Abby Binay ang City Ordinance No. 2020-165 na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod nitong Miyerkules.

Nakasaad sa nasabing ordinansa ang bagong guidelines ukol sa dine-in services na ipatutupad sa tuwing isasailalim sa state of calamity, public health emergency o katulad na emergency declarations ang lungsod ng Makati.

Batay sa ordinansa, mahigpit na ipinagbabawal ang dine-in services kapag ang lungsod ay nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).


Kapag nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), maaaring mag-operate ng hanggang 30 porsyento ng dine-in services, 50 porsyento sa General Community Quarantine (GCQ), 75 porsyento kapag Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Dapat ding matiyak na naipapatupad ng mahigpit ang minimum public health standards, social distancing, at mga karagdagang guidelines na itinakda ng ordinansa sa ilalim ng MECQ, GCQ, at MGCQ.

Ang sinumang lalabag ay pagmumultahin at makukulong.

Para sa first offense, papatawan ang establisyimento ng temporary closure ng tatlong araw at multang P5,000, sa second offense ay isang buwang temporary closure at P5,000 multa at sa ikatlo at mga susunod na paglabag ay isasara nang hindi lalagpas sa isang taon kasama ang P5,000 multa o pagkakabilanggo nang hindi lalagpas sa isang taon o parehong ipapataw base sa desisyon ng korte.

Ang pagkonsumo ng alcohol ng in bulk, in pitchers, in buckets, o in cases ay mahigpit din na ipinagbabawal.

Simulang ipatutupad ang nasabing ordinansa ng lungsod sa August 31, 2020.

Facebook Comments