Inihayag ng pamakahalaang lokal ng Taguig na dinoble na nila ang matatanggap na sahod ng kanilang mga Barangay Health Workers (BHWs) bawat buwan.
Ito ay matapos na opisyal silang i-promote bilang Job Order Personnel ng lungsod noong Abril 1.
Bago nito, ang mga BHW ng nasabing lungsod ay kinikilala lamang bilang volunteers.
Dahil dito, ang mga BHW na nakakatanggap ng ₱3,000 bawat buwan ay magiging ₱7,000 na ito; ₱8,500 naman ang matatanggap bawat buwan sa mga sumasahod ng ₱4,000 noon.
Ang dating ₱5,000 na sahod, magiging ₱9,700 na ito ngayon.
Ayon kay Taguig Mayor Lino Cayetano, ang employment residency ng isang BHW ang magiging batayan sa pagbibigay ng dagdag sahod.
Aniya, maliban dito, makatatangap din sila ng ₱15,000 na performance incentive naibinibigay taon-taon.
Ang Taguig City, aniya, mayroong 854 na BHW na naka-deploy sa iba’t-ibang bahagi ng mga barangay ng lungsod.
Iginiit ni Mayor Cayetano na ang nasabing hakbang ay bilang pasasalamat sa mga BHW ng Taguig na patuloy at walang takot na nagbibigay serbisyo sa mga barangay sa kabila ng banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.