Umabot ng 51 Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) o tinawag na “Muntipreneurs” ang pinautang ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ng zero-interest.
Ayon kay Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi naglaan sila ng P938,000 na maaaring utangin ng mga negosyante ng lungsod sa ilalim ng “Tulong Negosyo Program”.
Aniya, mula sa 51 Muntipreneurs, dalawa rito ay nakahiram na ng tig-P100,000 habang ang isa naman ay P75,000.
Ang nasabing programa ay may tatlong kategorya, ito ay ang Simulang Kapital o SIKAP na pwedeng makautang mula P2,000 hanggang P5,000; Asenso Loan Program na makakahiram ng pera mula P6,000 hanggang P75,000; at ang Maunlad Loan Program maaaring makautang mula P75,000 hanggang P150,000.
Sinabi ni Fresnedi na layunin ng nasabing progma na matulungan ang mga negosyante ng lungsod na makabangon matapos malugi ng dahil sa COVID-19 pandemic at mapalakas muli ang ekonomiya ng lungsod.