Inihayag ng pamahalaang lungsod ng Pasig na nakikipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng Department of Education (DepEd) bilang paghahanda sa darating na pagbubukas ng klase sa August 24, 2020.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, hindi nila hahayaan na mahuli ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ng lungsod ng dahil lamang sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Aniya, kabilang sa pinaghahandaan ang posibilidad na virtual classes o ang online education ng DepEd.
Kaya naman titiyakin nila na mayroong magandang internet connection ang lungsod, lalo na sa mga barangay nito upang makapag-download ng learning modules o maaaring pag-aralan ng mga estudyante gamit ang kanilang mga electronic device.
Pinag-aaralan na rin nila ang paghahanap ng pondo upang mabigyan ng personal learning devices ang lahat na mga mag-aaral ng lungsod.
Matatandaang inanunsyo na ng DepEd na sa August 24, 2020 na ang pagbubukas ng klase para sa School Year 2020-2021 at tuloy na rin ang enrollment sa June 1, 2020.