Todo ngayon ang panawagan ng lokal na pamahalaan ng Taguig City sa Makati City na huwag magpakalat ng mga maling impormasyon kaugnay ng desisyon ng Supreme Court (SC) na pag-aari ng Taguig ang mga EMBO barangay na dating nasa hurisdiksiyon ng Makati.
Nag-ugat ang isyu sa pagsasagawa kaagad ng Brigada Eskwela sa Makati Science High School ni Taguig City Mayor Lani Cayetano noong Lunes na wala pang writ of execution.
Pero, depensa naman ng Taguig City Local Government Unit (LGU), ang desisyon umano ng Korte Suprema ay self-executing at ang mga government agencies ay boluntaryo namang sumunod sa batas.
Ipinunto pa ng lokal na pamahalaan ng Taguig na malinaw ang dispositive portion ng pinal na desisyon ng Supreme Court na hindi na kailangan ng Taguig ang writ of execution para sa kanilang jurisdiction sa Fort Bonifacio Military Reservation na nasa ilalim ng parcels 3 at 4 ng Psu-2031.
Ang Parcels 3 at 4 ng Psu-2031 ay kinabibilangan ng 10 mga barangay na pag-aari ng Taguig.
Kasama pa rito ang preliminary injunction na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) ng Pasig na nagpapatigil sa Makati na i-exercise ang jurisdiction, magsagawa ng mga improvements o ang pagtrato sa naturang mga barangay na bahagi ng kanilang teritoryo, maging ang Parcels 3 at 4 ay ginawang permanente.
Para sa Taguig, ang dalawang disposition ay self-executing at ang nature at tenor ng permanent injunction laban sa Makati ay hindi na nangangailangan ng writ of execution para ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema.