Cauayan City – Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ang Program Review and Evaluation Workshop and Capacity Building for Senior Citizens kahapon, ika-17 ng Disyembre.
Mahigit 200 senior citizen kasama ang kanilang mga opisyal mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Isabela ang dumalo sa naturang aktibidad.
Ayon kay PSWDO Focal Person on Senior Citizen Maila Ibarra, patuloy na itinataguyod ng pamahalaang panlalawigan ang kapakanan ng mga senior citizen sa pamamagitan ng pagbibigay ng assistive devices, tulong pinansyal para sa gamot, at pagsasanay sa basic first aid skills.
Dumalo rin ang kinatawan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) na nagpaliwanag sa Expanded Centenarians Act o RA 11982.
Layunin nitong magbigay ng P10,000 kada limang taon sa mga octogenarian at nonagenarian simula sa kanilang ika-80 kaarawan.
Nagpasalamat naman si Isabela Senior Citizen Organization President Ruben Tumbaga kina Governor Rodito T. Albano III at Vice Governor Faustino “Bojie” G. Dy III sa patuloy na suporta para sa mga senior citizen, kabilang na ang pagbibigay ng P100,000 sa mga centenarian na Isabeleño.