Umapela si Senator Grace Poe sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na gawing madali ang pamamahagi ng ₱1,000 social pension ng mga indigent senior citizens.
Kasunod na rin ito ng pagsasabatas na itaas sa ₱1,000 mula sa dating ₱500 ang social pension ng mga mahihirap na senior citizens.
Ayon kay Poe, pangunahing may-akda ng panukala sa Senado, umaasa siya na mabilis at episyente ang pamamaraan ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno sa pamamahagi ng social pension ng mga mahihirap na lolo at lola.
Pinatitiyak din ng senadora na lahat ng mga eligible senior citizens ay hindi mapagkakaitan ng nasabing benepisyo.
Sinabi pa ni Poe na ang pagtataas sa pensyon ng mga indigent senior citizen ay napapanahon dahil makakatulong ito lalo pa’t nagtataasan ang presyo ng mga bilihin kasama ang gamot na pangunahing kailangan ng mga nakakatanda.