Cauayan City, Isabela- Target ng pamahalaang Lungsod ng Cauayan na matatapos na bukas, April 16, 2020 ang pamamahagi ng tig 25 kilos ng bigas sa lahat ng barangay na nasasakupan nito.
Ayon kay City Mayor Bernard Dy, mula April 6 hanggang April 13, 2020 ay nakapag turn over na ang local government ng 29, 819 sako ng 25 kilos ng bigas sa mga barangay sa Poblacion, West at East Tabacal.
Habang sa Tanap at Forest regions ay sinimulan na rin ang pamimigay ng sako-sakong bigas.
May mga barangay pa aniya ang may balanse rito subalit pupunuan pa rin ito ng pamahalaang lokal ng Cauayan.
Ayon pa kay Mayor Dy, ang house to house distribusyon ay isinasagawa ng mga opisyal ng barangay sa bawat bahay dahil ibinigay na aniya sa mga ito ang diskarte ng pamamahagi.
Sa naturang rice subsidy program ay isang sako ng 25 kilos ng bigas ang matatanggap ng isang isang bahay o household.
Nilinaw ng alkalde na kahit ilan ang pamilya na nasa isang bahay ay 25 kilos pa rin ang matatanggap.
Samantala, sa susunod na Linggo ay sisimulan nang ipamigay ang relief goods mula sa provincial government at mula sa pondo ng LGU.
Dito, kung ilan ang pamilya na nasa isang bahay ay ganun din ang bilang ng relief goods na matatanggap.