Kasunod ng pag-uumpisa ng pamamahagi ng 2nd tranche ng cash subsidy para sa Social Amelioration Program (SAP), inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na target matapos ang distribution nito sa darating na June 23, 2020 o sa susunod na Martes.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Malaya na nag-umpisa na ang pilot distribution ng P5,000 hanggang P8,000 tulong pinansyal sa mga napag-iwanan noong 1st tranche sa bahagi ng Benguet at Cordillera Administrative Region (CAR) at ito ay magtutuloy- tuloy na hanggang sa maabot ang target na 5 milyong low- income families na hindi nabigyan noong una.
Paliwanag ni Usec. Malaya, may dalawang paraan para matanggap ang ayuda.
Una ay ang manu-manong pagtanggap kung saan pupunta ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bawat Local Government Unit at sa pangunguna ng Special Disbursing Officers ng DSWD, ibibigay ang tulong sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
At ang pangalawa ay sa pamamagitan ng electronic money transfer kung saan kinakailagan lamang mag-register ng benepisyaryo sa Relief Agad application o sa www.reliefagad.ph upang doon nila pipiliin kung paano matatanggap ang cash aid na maaaring sa bangko, money remittance center o di naman kaya ay sa PayMaya at GCash.