Ipinatitigil na ng Komisyon sa Wikang Filipino ang mga tauhan nito na mamahagi ng mga librong naglalaman ng “anti-government” text sa mga paaralan at pampublikong silid-aklatan o libraries.
Batay sa inisyu na internal memorandum ng KWF noong August 9, ito ay upang maiwasan na lumabag sa Article 9 ng Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act.
Ibig sabihin nito ay posibleng makapanghikayat ng terorismo sa bansa ang pamamahagi ng libro na may kasulatang tumutuligsa sa gobyerno.
Ilan sa mga titulong itinigil ang distribusyon aya ng mga sumusunod:
• “Tawid-diwa sa Pananagisag ni Bienvenido Lumbera: Ang Bayan, at Manunulat, at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng Batas Militar 1975-1979” ni Dexter Cayanes
• “Teatro Politikal Dos” ni Malou Jacob
• “Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kuwentong Buhay” ni Rommel Rodriguez
• “May Hadlang ang Umaga” ni Don Pagusara
• “Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro” ni Reuel Aguila
Sinabi ni KWF commissioner for Administration and Finance Benjamin Mendillo na walang kinalaman ang NTF-ELCAC dito at ang naturang hakbang ay inisyatibo ng komisyon batay sa kanilang pagsusuri sa mga konteksto ng nabanggit na mga likha.