Pamamahagi ng ayuda, hindi maituturing na vote buying ayon kay presidential candidate Ping Lacson

Naninindigan si presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi maituturing na vote buying ang pamamahagi ng ayuda o social services sa mga nangangailangang benepisyaryo nito partikular na sa PUV drivers at operators na apektado sa pagtaas ng presyo ng langis at presyo ng bilihin.

Ito ang naging tugon ni Lacson sa pagsususpinde ng Commission on Elections (COMELEC) sa pamamahagi ng mga ayuda para sa Public Utility Vehicle (PUV) drivers at operators dahil COMELEC ban.

Ayon kay Lacson, paano matatawag na vote buying kung hindi naman kandidato ang gobyerno o ang national government.


Paliwanag ni Lacson, hindi naman kandidato ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyang mamamahagi ng ayuda para sa mga tsuper at operators ng PUV.

Binigyang diin pa ni Lacson na matatawag lamang na vote buying kung ang mamamahagi ng ayuda ay kandidato.

Ipinunto pa ni Lacson na walang sinasabi sa batas na maituturing na vote buying ang pamahagi ng ayuda ng national government sa mga nangangailangan ng tulong ng pamahalaan.

Facebook Comments