
Hindi matutuloy ang pamamahagi ng ayuda kapag may pulitikong biglang dumating habang nagsasagawa ng payout ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ang binigyang-diin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na layong maiwasan ang pag-eepal ng mga pulitiko, lalo na sa pamamahagi ng tulong-pinansiyal.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Gatchalian na maaari niyang hindi papuntahin ang payout team o kaya ay biglaang ipahinto ang pamamahagi ng ayuda sakaling may dumating na pulitiko.
Sa kabila nito, inamin ng kalihim na hindi na niya kontrolado ang ilang aksyon ng mga pulitiko, gaya ng pag-aanunsiyo sa social media ng iskedyul ng payout.
Una nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mahigpit na ipatutupad ang probisyon sa ilalim ng 2026 national budget na nagbabawal sa mga pulitiko na makialam o makisangkot sa pamamahagi ng mga ayuda.










