Wednesday, January 28, 2026

Pamamahagi ng ayuda sa 2nd District ng Antipolo City, pansamantalang ipagbabawal dahil sa special elections —Comelec

Pagbabawalan muna ang bigayan ng ayuda at paggastos ng pondo ng pamahalaan para sa mga social welfare at pabahay sa Ikalawang Distrito ng Antipolo City.

Ayon sa Commission on Elections, ito ay para sa idaraos na special elections sa March 14 para sa nabakanteng pwesto ni dating Rep. Romeo Acop na pumanaw noong Disyembre ng nakaraang taon.

Kabilang sa mga hindi muna papayagan ang pagbibigay ng mga ayuda gaya ng TUPAD, AKAP, AICS, at 4Ps maliban lamang sa mga karaniwang medical assistance at gastusin sa pagpapalibing para sa kwalipikadong indibidwal.

Samantala, pagbabawalan din ang paggastos sa social welfare at mga proyektong pabahay mula February 12 at ang paggamit o pag-iisyu ng treasury warrants gamit ang public funds maliban kung may pahintulot ng poll body.

Hanggang February 12 naman maaaring mag-apply para sa exemption sa mga pagbabawal sa programa.

Una nang sinabi ng poll body na maaaring hindi matuloy ang halalan kung iisa lamang ang maghahain ng certificate of candidacy

Sakali aniyang mangyari ito ay pahihintulutan ng Comelec ang District Board of Canvassers ng lungsod na mag-convene na at iproklama agad ang nag-iisang kwalipikadong kandidato.

Facebook Comments