Aminado ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mabagal ang pamamahagi ng cash assistance sa libu-libong Public Utility Vehicile (PUV) drivers sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa gitna ng lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni LTFRB Chairperson Martin Delgra III na humihingi ang Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) ng listahan ng lahat ng PUV drivers sa bansa mula sa kanila para sa pagkakakilanlan ng mga benepisyaryo.
Aniya, nasa 435,000 na pangalan ang isinumite nila sa DSWD, kabilang ang mga driver ng Transport Network Vehicle Service (TNVS), Bus, Shuttle Service, School Service, Taxi at Pampasaherong Jeepney.
Ayon pa kay Delgra, hindi kasama sa kanilang listahan ang mga tricycle driver dahil ang nakakasakop sa kanila ay kanilang lokal na pamahalaan.
Tiniyak ng LTFRB na ang pangalan na isinumite nila sa DSWD ay dumaan sa masusing validation process.