Pamamahagi ng ayuda sa Jose Abad Santos High School, ginawa ng dalawang pila para maiwasan ang siksikan

Para maiwasan ang siksikan, ginawa na ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) at ng Manila Police District (MPD) na dalawang pila ang mga kukuha ng ayuda.

Ito’y sa Jose Abad Santos High School sa Binondo, Manila.

Partikular na pumila sa nasabing eskwelahan ang mga residente ng Brgy. 286 sa Binondo.


Ang isang pila na mas mahaba ay para sa mga tatanggap ng tulong kaugnay ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila habang ang isang maikling pila ay para sa mga tumatanggap ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Inaasahang nasa 1,185 ang bilang benepisyaryo na kukuha ng ayuda habang 314 naman ang para sa 4Ps.

Bagama’t kontrolado ang haba ng pila, problema lamang sa ilang mga nagtutungo rito ay hindi nagsusuot ng face shield habang may ilan na nagbababa ng face mask para makipagkuwentuhan sa mga kakilala sa pila.

Kaya’t dahil dito, patuloy na nagbabantay ang mga tauhan ng MPD at mga tanod ng barangay sa pila para paalalahanan ang mga kukuha ng ayuda hinggil sa health protocols kontra COVID-19.

Nasa 59 na barangay naman ang nakatakdang bibigyan ng ayuda sa ikatlong araw na pamamahagi nito.

Facebook Comments