Pamamahagi ng ayuda sa mga lugar na apektado ng ECQ, magsisimula na ngayong araw

Magsisimula na ngayong araw ang pamamahagi ng ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Sa munisipalidad ng Pateros, sinabi ni Mayor Ike Ponce na noong nakaraang biyernes pa nailipat sa kanila ang pondo pero kinakailangan muna nilang ayusin ang listahan ng mga makakatanggap ng ayuda.

Pagtitiyak naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na updated na ang kanilang listahan lalo na’t posibleng maraming mga benepisyaryo nila noon ang mga nagsiuwian na sa iba’t ibang mga probinsya.


Nakahanda naman aniya ang kanilang grievance committee sa posibleng pagdagsa ng mga hindi nakasama sa listahan na bagong lipat sa lungsod o yung ngayon lamang naapektuhan ng lockdown pero kwalipikadong makakatanggap.

Samantala, nagpaalala si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa mga benepisyaryo ng lungsod na huwag basta na lamang magpunta sa mga distribution centers kung wala pang natatanggap na text mula sa Local Government Unit (LGU).

Sa ngayon, nagpahayag na rin ng kahandaan ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamamahagi ng ayuda kung saan pagtitiyak ni Manila Mayor Isko Moreno ay sisimulan na ito ngayong araw ng Manila Department of Social Welfare.

Ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng ayuda na katumbas ng ₱1,000 kada tao at hanggang ₱4,000 sa bawat kwalipikadong pamilya.

Facebook Comments