Dapat na ikonsidera ng pamahalaan sa pamamahagi ng ayuda ang ilang probinsya sa labas ng Greater Metro Manila area na itinuturing ding high-incidence ng COVID-19.
Ayon kay Vice President Leni Robredo, bagama’t nakatutok ang konsentrasyon ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna, hindi dapat makaligtaan ang ilan pang lugar sa bansa na may taas ding hawaan ng virus.
“Sana may tumitingin dito para yung pagdadala ng ayuda dun sa mga wala sa NCR… kasi talagang ang concentration ng cases itong Greater Metro Manila area pero baka makaligtaan natin yung malalakas din ang transmission sa labas ng Metro Manila,” ani Robredo sa Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
As of March 26, ang lungsod ng Pasay ang may pinakamataas na two-week average ng active cases ng COVID-19 sa buong NCR kung saan 906.42 ang nagpositibo sa kada 100,000 indibidwal na sumailalim sa testing.
Pero sa 89 na local government units (LGUs) sa buong bansa na itinuturing na high-incidence, nangunguna ang Bontoc, Mountain Province na nakapagtala ng 1,072.17.
Samantala, nanawagan si Robredo sa pamahalaan na gamitin ang isang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR+ para punan ang mga kulang sa pagtugon sa pandemya.
Kabilang aniya rito ang pagpapalakas sa kapasidad ng mga LGU, pagtugon sa rekomendasyon ng mga doktor na palawakin ang One Hospital platform bilang COVID referral center, pagpaparami ng testing at pagpapalakas ng contact tracing.
“Yung lahat na pwedeng magawa, gawin na habang naka-ECQ. Kasi hindi mare-resolve ng ECQ lang kung hindi natin gagawin yung ganong preparation,” saad niya.