Pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap, ipinare-review ng isang senador

Ipinare-review ni Senator JV Ejercito sa pamahalaan ang social programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) partikular ang pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap.

Ayon kay Ejercito, dapat lang na marepaso ang distribusyon ng ayuda para matiyak na tama ang nasa listahan at mga karapat-dapat ang makakatanggap ng benepisyo.

Inirekomenda rin ng senador na kung maaari ay baguhin ang mekanismo ng pamimigay ng ayuda dahil hindi rin maganda kung kasama ang mga pulitiko sa pamamahagi ng tulong.


Kung maaari rin aniya ay gawing uniform o pare-pareho na lang ang ayuda program dahil mahirap din na kanya-kanyang diskresyon ang mga ahensya kaya naman apela ni Ejercito sa DSWD at DOLE na pag-aralan pa ng husto ang distribusyon ng ayuda.

Kailangan din aniya na may malinaw na exit mechanism ang mga programa sa ayuda kung saan magkakaroon na ng kakayahan ang mga benepisyaryo na mamuhay dahil mistulang nagiging ayuda mentality na ng mga kababayan na lagi na lamang umaasa sa ayuda sa halip na magtrabaho at dahil dito ay nagagamit tuloy sila ng mga mapagsamantalang pulitiko.

Facebook Comments