Pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap, pinamamadali sa Kamara

Hiniling ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa pamahalaan na madaliin ang pamamahagi ng ayuda para sa mga mahihirap na Pilipino.

Bunsod na rin ito ng naitalang pagtaas ng inflation rate sa 4% ngayong March 2022.

Ayon kay Salceda, bagama’t umangat ng isang puntos ang inflation rate sa buwan ng Marso ay maituturing pa rin itong pasok sa target range ng gobyerno.


Magkagayunman, hindi man malala ang inflation rate ng bansa ay kailangan pa ring kumilos ng pamahalaan para matulungan ang mga mamamayan na apektado ng pagtaas ng mga bilihin at serbisyo.

Hiniling ng kongresista sa pamahalaan na bilisan ang pangakong ayuda kabilang na rito ang ₱500 na targeted cash subsidy na huling inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sakali man aniya ay handa ang Kamara na magbigay ng kinakailangang alokasyon o policy support upang mapabilis ang pagbibigay ng ayuda.

Facebook Comments