Aminado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na “logistically hard” at mahirap ipatupad ang panukalang pagbibigay ng bigas sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ito’y kasunod ng rekomendasyon ng Deaprtment of Agriculture (DA) na sa halip na pera, ay bigas na lamang ang ipamahagi sa 4Ps para makatulong sa mga magsasaka at pagbaba ng rice inflation.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian, kalat-kalat ang mga benepisyaryo ng 4Ps at karamihan ay nasa malalayong lugar.
Paliwanag ni Gatchalian, kung iko-convert ang ₱1,200 na dalawang buwang payout ng 4Ps sa bigas ay pahirapan ang paghahatid nito at maging pagbitbit ng mga benepisyaryo.
Kailangan din aniyang masugpo muna ang proble sa storage ng bigas kung ipatutupad ito.
Ayon pa sa kalihim na sa ilalim ng Bagong PIlipinas ni Pangulong Bongbong Marcos, ay hindi na dapat maging pahirapan ang pag-abot sa mga mahihirap na Pilipino.
Gayunpaman, patuloy pa rin naman aniyang pinag-aaralan ng DSWD at Department of Agriculture (DA) panukalang pamamahagi ng bigas.