Magsisimula na bukas ang pamamahagi ng cash assistance sa mga may-ari ng sari-sari stores na direktang apektado ng ipinatutupad na price ceiling sa bigas.
Ito ay matapos ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gawin ang pamamahagi ng cash assistance mula bukas, Setyembre 25, hanggang Biyernes o sa Setyembre 29.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, ang DTI ang tumukoy ng mga lehitimong mga may-ari ng sari-sari stores na apektado ng rice price caps.
Matatandaang una nang inaprubahan ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 39 na nagtatakda sa ₱41.00 para sa regular milled rice at ₱45.00 para sa well-milled rice.
Batay naman sa huling ulat ng DSWD, umabot na sa ₱92.415 million ang halaga ng financial assistance na naibigay na sa 6,161 na mga micro and small rice retailers sa target na 8,390 sa buong bansa.