Tuesday, March 24, 2026

Pamamahagi ng cash assistance sa mga TNVS driver, sinimulan na sa Kartilya ng Katipunan

Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang Manila Department of Social Welfare and Development (MDSWD), ang pamamahagi ng cash relief assistance para sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers sa Kartilya ng Katipunan.

Aabot sa 2,629 benepisyaryo o mga kwalipikadong driver ang makatatanggap ng tig-P5,000 na tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Para mas maging mabilis at organisado ang proseso, tumutulong ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan sa pamamahagi, kung saan bawat upuan ay may nakalaang numero na nakasaad sa listahang isinumite ng transport network company sa LTFRB at bineripika ng DSWD.

Ayon kay MDSWD Director Jay Reyes dela Fuente, ang mga TNVS driver na may problema ay maaaring lumapit sa itinalagang help desk ng DSWD upang agad na matugunan ang kanilang concern.

Pinapaalalahanan ang mga benepisyaryo na magdala ng orihinal at photocopy ng kanilang professional driver’s license at sundin ang itinakdang schedule upang maiwasan ang siksikan at mapabilis ang proseso.

Hinihikayat din ang mga pupunta na huwag nang magdala ng sasakyan; ang mga kinakailangan ay maaaring magparada sa Park ‘N Ride sa Lawton upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.

Facebook Comments