Inatasan ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Social Services Office (SSO), City Legal Office (CLO), at Data Protection Officer (DPO) na i-monitor at bantayan ang distribusyon ng mga cash assistance.
Nais kasi ni Olivarez na masigurong walang magiging reklamo o anomalya ang pamamahagi ng cash assistance kung saan kasalukyan din tinututukan ng binuo nilang “Task Force Ayuda”.
Ayon kay Olivarez, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay mga nasa low-income na pamilya na nakalista sa database ng munisipyo.
Ang nasabing database ang ginamit na basehan mula sa Social Amelioration Program (SAP) 1 at 2 noong nakaraang taon at sa mga waitlisted sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) gayundin ang mga naza TODA/PODA para matukoy ang mga lehitimong mga beneficiary kada barangay na binubuo ng halos 155,000 pamilya.
Ininlunsad rin ng Business Permit and Licensing Office ang grievance and appeals committee para sa mga sumbong at reklamo ng iregularidad sa pamamahagi ng ayuda.
Nabatid na target ng lokal na pamahalaan na maikot ang iba pang barangay sa loob ng 15 araw na itinakdang deadline para sa pamimigay ng cash assistance.
Kahapon ay sinimulan nang ipamahagi sa may 1,800 residente ng Barangay Vitales ang nasa P1,000 hanggang P4,000 na ayuda na bahagi ng unang cash payout bunsod ng COVID-19 pandemic.