May direktiba na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bilisan ang digitalization ng National Identification (ID) system na magagamit sa pampubliko at pribadong mga transaksyon.
Sa pakikipagpulong sa Private Sector Advisory Council (PSAC) on Digital Infrastructure sa Malakanyang, pinag-usapan ang mungkahi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na Public-Private Partnership (PPP) para sa paglulunsad ng Digital Phil ID App.
Kasama sa mga target ng Philippine Identification System (PhilSys) ay simulan ang mobile app sa unang bahagi ng taon sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor.
Kaya naman hiniling ng pangulo ang tulong ng private sector na maipatupad na ang National ID.
Kabilang sa mga pakinabang sa paggamit ng digital ID system ay ang automated eKYC (Know Your Customer), identity theft protection, credit card at loan applications, at digital wallet.